Friday, August 28, 2009

PWEDE!

Yan ang sambit ng kapatid ko habang kinakain nya to. hindi naman talaga ko magluluto kasi dinefrost ko na yung Tilapia na lulutuin ko para sa hapunan kaso yung kapatid kong makulit e inutusan akong magluto dahil gigising na daw maya maya ang aming tatay. At dahil nga bukas palang ako mamalengke, at masyado pang maaga para magluto ng hapunan (bandang alas dos ng hapon ata yun) e napilitan akong mag luto ng kung ano mang makita kong nakabuyangyang sa ref namin.

Yung sinangag na to e pakana ng aking ama. Madalas kasi pritong isda nalang ang makikita mo sa ref namin. Mga 3 araw syang naiimbak don. Walang pumapansin. Madalas galunggong, tilapya at tamban ang makikita mo. At dahil nagsasawa din ang tatay ko na i microwave lagi ang pritong isda (na nakakaum naman talaga lalo na't kung paulit ulit mong inuulam) e ginawang pangsahog ng tatay ko sa sinangag nya ang tira naming pritong isda.

Siguro naiisip mo na pwede namang i-Sarciado o Tahore o kung ano man ang tawag nyo sa ginisang kamatis tas ibabahog sa pritong isda. Oo pwede naman. Kaso minsan mahal ang kamatis at natataong bawang at sibuyas lang ang nasa ref mo. O kaya sa lagay ko, minsan tamad ako maghiwa ng kamatis. lalo na pag maliliit na piraso.

Convenient tong gawin kung meron kang tirang kaning lamig at tirang pritong isda. Eto lang yung sahog nyan.

Bawang
Sibuyas
Luya
Kaning lamig
Isda
Asin
Paminta

Igisa mo lang yung luya, bawang at sibuyas tas yung isda tas yung kanin na. Ganun lang. Bantayan mo na yung luya at bawang habang ginigisa mo, kasi pag nasunog yun, gumagara yung lasa.

Kung ala kayong luya, wag mo ng subukan to. Hindi ko rin kasi alam kung masasabi mo ring Pwede! na tong sinangag na to kasi yung luya din yung nagbibigay ng kakaibang lasa sa kanya. Tska syempre isda parin yan, kahit papano me lansa padin yan kahit naprito mo na.

Pesang tilapya naman bukas.

No comments:

Post a Comment